BINATA, SUGATAN MATAPOS TAMAAN NG LIGAW NA BALA SA MALASIQUI, PANGASINAN

Sugatan sa kaliwang hita ang isang 19 anyos na binata matapos tamaan ng ligaw na bala sa sa Poblacion, Malasiqui, Pangasinan.

Sa panayam kay Malasiqui Police Station Chief of Police PLtCol Francisco Sawadan Jr., nagmula umano ang bala na tumama sa binata sa warning shot ng isang may-ari ng bahay sa lugar na nilooban ng isang lalaki.

Ayon sa ulat ng pulisya, bigla umanong pumasok ang lalaki upang habulin ang pamangkin nitong bata dala ang isang kutsilyo nang walang ano-ano’y sunod nitong hinabol at inundayan ng saksak ang may-ari ng bahay.

Wala umanong naging unang alitan ang dalawa kaya patuloy pa ring iniimbestigahan ang motibo sa insidente.

Ayon sa opisyal, matapos ang nangyaring habulan, nagpaputok ang may-ari ng bahay bilang warning shot nang paibabawan siya ng lalaki at tinangkang saksakin.

Tinamaan sa kaliwang bahagi ng tiyan at dibdib ang lalaking nanghimasok sa bahay.

Sa pagresponde ng kapulisan, lumapit ang binata na tinamaan din ng bala at agad namang dinala sa pagamutan.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng awtoridad ang suspek na may-ari ng bahay at narekober din ang caliber 22 na baril na ginamit nito.

Sasampahan ng kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act matapos mapag-alamang hindi rehistradong gun owner ang may-ari maging ang baril na nasa kanyang kustodiya.

Bukod pa rito, mahaharap din ang suspek sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Physical Injury matapos ang pamamaril na kinasugatan ng dalawang katao.

Nakatakda namang kausapin ng awtoridad ang lalaking nanloob sa bahay para sa posibleng pananagutan sa insidente.

Paalala ni Sawadan, mas magiging epektibo ang kanilang operasyon sa pakikipagtulungan ng publiko upang masawata ang kriminalidad.

Facebook Comments