Binata, Sugatan sa Pananaga ng Nag-amok na Lalaki!

Cauayan City, Isabela- Nagtamo ng malalim na sugat sa braso ang isang binata matapos na tagain ng isang lalaki na nag-amok sa Barangay Tucalan Passing, Lasam, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Dexter Acedo, 20 taong gulang, magsasaka habang ang suspek ay nakilalang si Richard Peneyra, 39 taong gulang, walang asawa, construction worker, at kapwa residente ng Barangay Tucalan Passing sa naturang bayan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nag-aamok ang suspek sa kanilang lugar habang nasa impluwensya ito ng nakalalasing na inumin nang balaan at sitahin ito ng biktima na kasalukuyan namang nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan na kapit bahay na tumigil na ito sa ginagawang pagwawala.


Nairita ang suspek sa ginawa ng biktima kaya’t hinamon nito ng away ang biktima hanggang sa nagkaharap ang mga ito.

Agad na kumuha ng kahoy ang biktima at ipinalo sa dibdib ng suspek habang inilabas naman ng suspek ang dalang itak at itinaga ng dalawang beses sa kaliwang braso ng biktima.

Dinala ng mga rumespondeng opisyal ng barangay sa ospital ang biktima habang inaresto naman ng mga pulis ang lasing na suspek at narekober sa pag-iingat nito ang gulok na ginamit sa pananaga.

Inihahanda na ng pulisya ang kaukulang kaso na isasampa laban sa suspek.

Facebook Comments