Binata, Timbog sa umano’y Panggagahasa sa kanyang Dalagitang Pinsan

Cauayan City, Isabela-Huli ang isang binata na kabilang sa Region 2 Top 6 Most Wanted Person matapos umano nitong gahasain ng makailang beses ang kanyang sariling pinsan sa Bayombong, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang suspek na si Ariel Kenette Sabino, 18-anyos at residente ng Echague, Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng PNP, dalawang taon na ang nakakaraan ng mangyari ang limang (5) beses na umano’y panghahalay sa biktima sa mismong bahay nito sa Brgy. Tuao South, Bagabag, Nueva Vizcaya.


Magkatuwang na isinagawa ang operasyon ng mga kasapi ng Echague PNP, Solano PNP, Bayombong PNP, Regional Intelligence Unit 2, at 142 SAC, 14SAB, PNP SAF.

Ayon pa sa pagsisiyasat ng mga otoridad, ang biktima noon ay labinlimang (15) taong gulang palang ng maganap ang umano’y panggagahasa ng suspek na kanilang kasa-kasama sa bahay.

Dahil sa pangyayari, ipinag-bigay alam ng biktima sa kanyang ina ang ginawang panggagahasa dahil nakakaranas na umano siya ng kawalan ng pokus sa pag-aaral.

Kaugnay nito, naipagbigay-alam sa pulisya ang insidente noong August 29, 2019 at kaagad din nag-isyu ng Warrant of Arrest si hukom Cicero Jandoc, Presiding Judge ng Regional Trial Court 2, Branch 29, Bayombong, Nueva Vizcaya para sa kasong limang (5) beses na Panggagahasa at walang piyansang inirekomenda ang korte.

Napag-alaman na makalipas ang isang buwan pagkaraan ng pagsasampa ng kaso laban sa suspek ay nakumpirmang dalawang (2) buwan na palang buntis ang biktima subalit natagpuan na lamang itong nakabigti sa kanilang bahay na wala nang buhay.

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya pa rin ng mga otoridad ang suspek habang hinihintay ang magiging desisyon ng korte.

Facebook Comments