Manila, Philippines – Umani ng kaliwa’t kanang batikos mula sa hanay ng mga mamamahayag ang kautusan ng Bureau of Customs (BOC) na natatakda ng panuntunan sa pagkokober ng media sa ahensiya.
Sa pinalabas na regulasyon sa pamamagitan ng information division ng BOC, lahat ng kahilingan o request para makapanayam at makakuha ng larawan o footage ay kailangang idaan muna sa liham na may lagda at naka-address sa commissioner.
Kung okay lang naman sa media na ibang opisyal ang kapanayamin kailangang ilagay din ito sa sulat.
Kailangang ang hinihinging petsa ng interview ay limang araw matapos na ipadala ang email.
Ang direktiba ay labis na ikinagulat ng mga lehitimong mamamahayag na nagkokober sa Bureau of Customs (BOC) na napakatagal ng naka-destino roon.
Anila, hindi dapat ang media ang hinihigpitan kundi ang mga smuggler lalo na ng ilegal na droga at ang pangungulekta ng buwis sa mga negosyante.