Manila, Philippines – Binatikos ng Lawyers for Commuters’ Safety and Protection (LCSP) ang mga police investigators na nagiging ‘broker’ sa tuwing may kaso ng hit and run sa nasasakupang lugar ng presinto.
Ginawa ni LCSP Founding President Atty. Ariel Inton ang pahayag matapos ang kanilang karanasan sa Binangonan Police na tila hinahadlangan umano na magsampa ng kaso ang kanilang tinutulungang mga biktima laban sa suspek.
Ito ay may kinalaman sa kaso ng isang kotse na Nissan na UFC 514 na nakabundol at nakasugat sa apat na miyembro ng isang pamilya sa Binangonan, Rizal noong Linggo ng gabi.
Sa halip na tulungan ay tinakbuhan pa ng salarin na nakilalang si Rodel Catigbak Peco Jr. ang mga biktima subalit nasapul naman sa CCTV camera ang mga pangyayari kaya at natunton ito ng mga otoridad.
May apela rin ang commuters’ group sa mga motorista na maging responsable sa kanilang pagmamaneho sa kalsada lalo pa at hindi lang naman ito para sa mga sasakyan at may mga pedestrian na gumagamit din nito.
Sa mga nagdaang araw, naging viral sa social media ang iba’t-ibang insidente ng hit and run sa bansa na nahuli-cam na kadalasang ikinasawi ng mga biktima gaya na lamang ng sinapit ni Jerimiah Erwin Tan nang mabundol sa Ermita, Maynila at kalaunan ay binawian ng buhay sa ospital.
Naaresto naman ng Philippine National Police (PNP) tracking team ang nakaaksidenteng suspek bago pa man ito nakalipad papuntang Hong Kong.