BINATIKOS | Pagsunog sa relief goods para sa mga biktima ng Yolanda, kinondena

Manila, Philippines – Binatikos ni Senator Sonny Angara ang pagsunog nitong nakaraang buwan sa mga expired na donations para sa mga biktima ng super typhoon Yolanda na humagupit sa bansa noong 2013.

Nabatid ni Angara na ang nabanggit na mga donasyon ay dumating sa bansa limang taon na ang nakalilipas pero hindi pa rin naire-release kaya na-expired na.

Diin ni Angara, malinaw sa customs modernization and tariff act na ang mga tulong sa mga biktima ng kalamidad ay dapat agad i-release.


Sabi ni Angara, itinatakda sa batas ang pagkakaroon ng lanes para sa emergency relief.

Giit pa ni Angara, may probisyon sa batas kaugnay sa pagbuo ng one-stop-shops na siyang mag-aayos at mag-aapruba ng mga papeles para pabilisin ang pagproseso sa mga tulong mula sa ibang bansa.

Ayon kay Angara, mayroon ng draft joint order na inilabas ang Department of Finance (DOF) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay nito.

Ang nasabing one-stop-shop facility ay planong ipwesto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sa mga pantalan malapit sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad.

Dagdag pa ni Angara, malinaw din sa batas na walang duties at tax ang mga donasyong pagkain, gamot, kagamitan at mga materyales sa paggawa ng bahay.

Facebook Comments