Manila, Philippines – Pinawi ni Senator Gringo Honasan ang pagkabahala sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa radikal na mga pagbabago na magaganap sa gobyerno.
Diin ni Honasan, isang eksperyensadong abogado at prosecutor si Pangulong Duterte at alam nito nakapaloob sa konstitusyon kaugnay sa paggamit ng kapangyarihan at mga desisyon bilang presidente ng bansa.
Kumbinsido si Honasan, na ginagamit ni Pangulong Duterte na gabay ang saligang batas sa kanyang mga pahayag, bokabularyo at mga terminong ginagamit.
Tiwala si Honasan na responsable si Pangulong Duterte sa pagpapanatili ng kapayaan at kaayusan sa bansa at pagbibigay-proteksyon sa kalayaan at karapatan ng bawat Pilipino.
Subalit hinala naman ni Senator Antonio Trillanes IV, ang nabanggit na pahayag ay panlihis ni Pangulong Duterte sa atensyon ng publiko mula sa kaliwa’t-kanang niyang kapalpakan.
Sa tingin pa ni Senator Trillanes, ito ay paraan ng pananakot ni Pangulong Duterte para hindi sya batikusin.
Si Senator Kiko Pangilinan naman, hinamon ang Pangulo na simulan ang radikal na pagbahago sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal ng gobyerno na sinibak niya dahil sa katiwalian.