BINATILYO, AKSIDENTENG NALUNOD SA CREEK SA MANGALDAN

Nasawi ang isang binatilyo matapos malunod sa isang creek sa Bantayan, Mangaldan.

Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Mangaldan Acting Officer-in-Charge PLtCol Perlito Tuayon, kiniliti umano ng isang kasamahan ang biktima dahilan upang makabitaw ito sa hinahawakang bakal at mahulog sa creek.

Hindi rin umano marunong lumangoy ang biktima dahilan ng agarang paglubog nito sa tubig.

Tinatayang may lalim na 8ft ang creek at rumaragasa ang agos nang mangyari ang insidente dahilan upang maging pahirapan ang search and retrieval operations ng awtoridad.

Tumagal ng abot limang oras bago tuluyang natagpuan ang katawan ng biktima bandang alas diyes ng gabi noong July 23.

Dagdag ng opisyal, inihain na sa Piskalya ang kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide matapos makitaan ng responsibilidad ang 18 anyos na kasamahan ng biktima na nangiliti dito.

Iginiit din ng opisyal ang wastong kaalaman ng kabataan at kaakibat na pagpapatrolya ng barangay council sa mga katubigan upang pagbawalan maglaro o lumangoy sa mga ilog at tubig baha ang mga kabataan ngayong masama ang lagay ng panahon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments