Binatilyo, arestado matapos patayin ang alagang tuta sa dryer ng mga damit

Dinakip ang isang 18-anyos na lalaki sa Indiana, USA, matapos umanong pumatay ng tuta sa pamamagitan ng pagsasalang nito sa dryer ng mga damit, nitong Enero 29.

Bago ilagay sa machine, sinabi raw ni Jeremy Lindsey sa kanyang nanay na patay na ang 3-linggong gulang nilang tuta na si Cammie, ayon sa South Bend Tribune.

Natagpuan na lamang ng nanay ang wala ng buhay na tuta sa sofa na animo’y nasagasaan sa dami ng gasgas sa katawan.


Kinagabihan, nakita ng nanay na “puno ng buhok at dugo” ang loob ng kanilang dryer machine, dahilan para tumawag siya sa pulisya.

Umamin si Lindsey sa awtoridad sa pagpatay kay Cammie sa kadahilanang “salbahe” raw ang tuta sa alaga nilang pusa.

Sinampahan ng mga kasong may kinalaman sa animal cruelty ang lalaki na ipipiit sa St. Joseph County Jail.

Pinayagan naman si Lindsey na mag-piyansa ng $1,000 o higit P50,000.

Facebook Comments