Binatilyo sa UK, kulong sa kasong panggagahasa matapos isuko ng mga magulang

SOUTH WALES, United Kingdom – Bilangguan ang bagsak ng isang 18-anyos na lalaki matapos isuko ng mga magulang nang malaman ang ginawang krimen.

Ayon sa report ng Wales Online, natuklasan ng mag-asawang Sarah at Jonathan Morris ang text message ng anak na si Jack Evans sa biktima ng kanyang panghahalay.

Sa mensahe ay humihingi raw ng paumanhin si Evans sa isang babae dahil sa nangyaring insidente dalawang buwan na ang nakararaan.


Dito na nagpasya ang dalawa na kausapin ang anak at hikayating sumuko sa awtoridad.

Agad na natunton ng pulisya ang lokasyon ng biktima na hindi umano nagsampa ng reklamo mula nang mangyari ang panggagahasa.

Ikinuwento raw nito ang ginawang pag-atake ng suspek na umano’y nakapagpaalis ng kanyang kumpiyansa sa sarili at tiwala sa mga kalalakihan.

Buwan ng Enero nang akitin ni Evans ang biktima na makipagtalik sa kanya ngunit nagbago raw ang isip nito kalaunan.

Sa kabila raw nang pagpupumiglas ng babae ay ipinagpatuloy ng suspek ang ginagawa.

Samantala, naiulat na 17-anyos pa lang ang suspek noong gawin ang krimen ngunit nang sampahan ay nasa tamang edad na.

Sinentensyahan ng dalawang taong pagkakakulong si Evans ayon sa Young Offenders’ Institution sa Merthyr Tydfil Crown Court.

Sa pahayag naman sa ama ng suspek, bagama’t nagkaroon ng mga pagtatalo tungkol sa ginawa nilang desisyon, kinailangan daw gawin ng kanilang anak ang dapat at aminin ang ginawang krimen.

Facebook Comments