BEACONSFIELD, England – Patay na nang matagpuan sa kanyang silid ang isang binatilyo matapos umano ang halos isang taong pakikipaglaban sa Post-traumatic stress disorder (PTSD) dulot ng nangyaring aksidente na ikinamatay ng kanyang kaibigan.
Sa report ng Metro UK, manonood daw sana ng pelikula si Oliver Masters, 18, kasama ng kanyang ina noong Marso 15, ngunit hindi raw ito bumaba sa kanilang sala.
Nang puntahan ito ng kanyang stepfather sa kwarto, tumambad ang katawan nitong nakabigti.
Bagama’t sinubukan pang isalba ng emergency responders, idineklarang dead on-the-spot ang biktima.
Sa inilabas na pahayag ng ina nito na si Maureen Quigley sa Beaconsfield Coroner’s Court, Agosto nakaraang taon nang mabangga ang sinasakyan ni Oliver at ang mga kasamahan nito kabilang na ang kanyang itinuturing na best friend na nagtamo ng matinding pinsala sa ulo.
Nasawi ito na nagdulot ng matinding trauma kay Oliver, rason ng gabi-gabing bangungot, insomnia, anxiety na mas lumala umano habang tumatagal.
Kwento ni Maureen, ilang araw bago mangyari ang trahedya, masaya pa raw ang anak na nagtungo sa concert, nakipagkita sa kanyang nobya at pamilya nito at nagawa pa raw nitong bumisita sa kanyang PTSD counsellor.
Ngunit nang makauwi raw ito, ikinagulat niya nang magsabi ito na pakiramdam niya ay kasama siyang nasawi sa aksidente.
Samantala, walang naiulat na iniwang suicide note ang biktima maliban sa kanyang cellphone na sinadya niyang i-unlock kung saan natagpuan ang ilang PTSD-themed memes at comments tungkol sa anxiety na sumisira umano sa kanyang kasiyahan.
Labis na panghihinayang naman ang nararamdaman ng pamilya ni Oliver dahil sa isa sanang magandang kinabukasan na nararapat para sa binatilyo.