Manila, Philippines – Tinapyasan ng Energy Regulatory Commission ang system loss na ipinapasa sa lahat ng konsumer ng kuryente sa buong bansa.
Pasok sa system loss ang nawawalang kuryente mula planta hanggang dumaloy sa mga bahay at ang mga ninanakaw.
Sa mga distribution utility gaya ng Meralco, mula sa 8.5 porsiyento bababa ito sa 6.5 porsiyento ngayong 2018 at patuloy na bababa hanggang maging 4.75 porsiyento sa 2022.
Sa mga kooperatiba naman, mula 13 porsiyento, bababa ito sa 12 porsiyento ngayong 2018 hanggang maging 8.25 porsiyento sa taong 2022.
Paliwanag ni ERC Spokesperson Atty. Rixie Baldo-Digal, ang bawat isang porsiyentong nababawas sa system loss ay katumbas ng p0.05 kada kilowatt hour.
Sa ngayon, wala pang epekto sa singil ng kuryente ang pagbawas sa system loss sa Meralco.
Pero sa mga ibang electric coop na malaki ang system loss, malilimitahan na ang ipapasa nila sa bayarin ng mga konsumer.