Sa kahuli-hulihang campaign rally para sa 2022 national election ay “no-show” pa rin si dating Vice President at senatorial bet Jejomar Binay kahit pa man sa Leni-Kiko miting de avance kung saan tinatayang nasa 800,000 supporters ang dumalo na ginanap sa sarili nitong balwarte sa Makati City.
Ipinaliwanag ng isang political analyst na mahalaga ang pagdalo sa mga campaign rally lalo na sa miting de avance dahil ito na ang pag-consolidate sa buong kampanya ng isang kandidato.
Ayon kay political analyst Mon Casiple, importante na dumalo ang mga kandidato sa miting de avance dahil ito na ang huling pagkakataon na maihayag ang plano at prinsipyo ng bawat kandidato.
Kasunod ng hindi pagsipot ni Binay sa Makati rally kung saan isa siya sa guest candidate ng Leni-Kiko tandem senatorial slate ay nag-trending sa social media at sa tiktok ang #NasaansiJojoBinay.
Inasahan ng marami na magpapakita si Binay bilang balwarte nito ang lugar na pinagdadausan ng miting de avance at sa harap na rin ng alegasyon laban sa kanya na “unfit” ito para maging senador.
Matatandaan na isang manifestation ang inihain kamakailan sa Commisison on Elections (Comelec) na kinukuwestiyon ang mental capability ni Binay matapos lumabas ang balitang nakakararanas ito ng early signs ng dementia sa edad na 79 na taong gulang.
Sinabi ni dating OWWA Deputy Administrator Mocha Uson na ang hindi pagdalo ni Binay sa mga rally at hindi aktibong pangangampanya ay dulot na rin ng kanyang sakit kaya’t hinamon nito ang dating pangalawang pangulo na huwag lokohin ang taumbayan at ilantad ang tunay na kalagayan ng kanyang kalusugan.
Ang dementia ay isang progressive disease na sa una ay hindi pansin ang sintomas na memory loss at pagiging makakalimutin subalit habang tumatagal ay lumalala ang ganitong kondisyon.