Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA) Hydrometeorology Division na bubuksan nito ang isang gate ng Binga Dam upang magpakawala ng tubig.
Batay sa flood forecasting and warning advisory ng PAGASA, simula kaninang alas-6:00 ng umaga ay nagpakawala na ng tubig ang nasabing dam.
Dahil dito, ayon sa PAGASA maaaring magdulot ito ng pagbaha sa mga Barangay Dalpirip at Tinongdan sa Itogon, Benguet.
Magpapakawala rin ng tubig ang Ambuklao Dam kung saan didiretso ang tubig sa Binga Dam.
Tumaas kasi ng tubig sa Ambuklao Dam ng 0.07 meters dahil sa walang humpay na pagbuhos ng ulan na dulot ng habagat.
Payo ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan na gumawa ng mga kinakailangang hakbang upang maiwasan ang mga sakuna na dulot ng pagbaha.