BINGO ANNOUNCER, TIMBOG SA PANANAKSAK

Cauayan City – Nauwi sa pananaksak ang simpleng paghaharap lamang sa inuman ng dalawang kalalakihan sa isang peryahan sa Brgy. Gagabutan, Cauayan City, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Cauayan City Police Station, nakatanggap sila ng report mula sa isang concerned citizen kaugnay sa nangyaring pananaksak sa kanilang barangay kaninang madaling araw.

Sa ginawang pagsisiyasat ng mga awtoridad, nangyari ang insidente pasado ala-una ng madaling araw, kung saan habang nag-iinuman ang suspek na si alyas “Chito” at ang biktima ay bigla na lamang nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa at di kalaunan ay nauwi sa pananaksak.


Isang saksi naman ang nakapag-record ng naging pagtatalo ng dalawa kung saan sa kanilang pagtatalo, sinabi ng biktima sa suspek na kung may problema sila ng kanyang kinakasama ay mas mabuting umuwi na lamang sila at huwag ng idamay ang peryahan dahil malas ang mga ito.

Ito naman ang nag udyok sa suspek upang kumuha ng kutsilyo at saksakin ang biktima sa kanyang tiyan.

Kaagad na dinala sa pagamutan ang biktima, habang ang suspek ay kusa namang sumuko sa mga rumespondeng awtoridad.

Facebook Comments