Balewala sa mga residente ng Balangiga, Eastern Samar ang panandaliang pagbuhos ng malakas na ulan para salubungin ang pagdating ng mga Balangiga Bell.
Si US Embassy Chief of Mission John Law ang nag-turn over ng transfer of certificate of the Balangiga Bells kay Balangiga Mayor Randy Graza, kung saan naging saksi mismo si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang talumpati, binigyang diin ni Pangulong Duterte na ang pagkakabalik ng Balangiga Bells ay isang milestone sa kasaysayan at ugnayan ng Amerika at Pilipinas.
Sinabi pa ni Pangulong Duterte na hudyat ito ng panibago at mas buhay na bilateral relations sa pagitan ng US at Pilipinas.
Ayon pa kay Pangulong Duterte, walang ibang aangkin ng “credit” sa pagkakabalik ng mga kampana, kundi ang lahat ng mga Pilipino at mga Amerikano.
At dahil sa hindi pa ayos ang belfry ng Saint Lawrence Church, ilalagay muna ang tatlong kampana sa gilid ng simbahan.
Ang tatlong Balangiga Bells ay kinuha ng mga Amerikanong sundalo sa Balangiga, Eastern Samar bilang war trophies nang maganap ang Philippine-American war noong 1901.