BINIGYANG DIIN | PRRD, ayaw nang maupo sa posisyon sa transitory period sakaling ipatupad ang federal form of government

Manila, Philippines – Binigyang diin ni Pangulong Rodrigo Duterte na ayaw niyang manilbihan sa transitory government sakaling lumipat na ang pilipinas sa federal constitution.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, ito ang binigyang diin ni Pangulong Duterte sa naganap na cabinet meeting sa Malacañang kung saan sinabi ng Pangulo na mas gusto nitong maghalal nalang ng mga magsisilbing opisyal sa transition period.

Ito din aniya ang sinabi ni Pangulong Duterte sa mga miyembro ng Consultative Committee kung saan pinababago ng pangulo ang transitory provision ng draft ng federal Constitution.


Paliwanag aniya ng pangulo ay napapagod na ito at para wala nang pangamba na mayroon pa siyang binabalak kaya isinulong ang Charter change.

Naniniwala naman ang Pangulo na maipapasa ang federal constitution sa 2019 na siyang maghahalal din ng transitory officials para bigyang daan din ang mga batang lider ng bayan.

Inamin din naman ni Roque na nalungkot siya sa anunsiyo ng Pangulo at maging ang lahat ng miyembro ng gabinete nito.

Facebook Comments