Wala umanong “overpricing” sa mga biniling medical supplies ng Department of Health (DOH) para sa COVID-19 response.
Ito ang naging resulta ng committee report ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa isinagawang motu proprio investigation kaugnay sa report ng Commission on Audit (COA) sa umano’y overpriced na medical supplies na binili ng DOH sa pamamagitan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
Sa pulong balitaan sa pamamagitan ng Zoom, sinabi ni Committee Chairman at DIWA Partylist Rep. Michael Edgar Aglipay na base sa report ay walang ilegal o iregularidad sa pagbili ng mga medical supplies partikular ang face shields dahil sinunod naman ng PS-DBM ang tamang mga patakaran sa proseso ng emergency procurement sa ilalim ng Bayanihan Act One.
Gayunman, hindi naman naging sapat ang pag-evaluate sa kapasidad ng mga suppliers na mag-deliver ng de-kalidad na mga produkto.
Kailangan aniya ng dagdag na requirement tulad ng Audited Financial Statement at credit history upang mapatunayan ang financial capacity ng supplier gayundin ang dagdag na dokumento para sa specifications ng produkto.