BINMALEY LGU, PAIIGTINGIN ANGPAGLILINIS NG ILOG AT REGULASYON SA FISHPENS

Paiigtingin pa ng lokal na pamahalaan ng Binmaley ang kampanya sa paglilinis ng mga kailogan sa bayan, kasabay ng mas mahigpit na pagre-regulate sa mga fishpens, lalo na sa mga legal ngunit hindi nagbabayad ng tamang buwis, ayon kay Mayor Pedro Merrera III.

Ayon sa alkalde, mahalaga ang agarang aksyon upang maprotektahan ang mga ilog na nagsisilbing pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng maraming residente, partikular ng mga mangingisda at negosyanteng umaasa sa yamang-tubig ng bayan.

Dagdag pa ng alkalde, kabilang sa tinututukan ng pamahalaang bayan ang mga fishpens na hindi sumusunod sa regulasyon, lalo na ang mga hindi nagbabayad ng kaukulang buwis at permit, kahit pa sila ay itinuturing na legal sa operasyon.

Nanawagan din si Mayor Merrera sa mga barangay officials na makipagtulungan at maging aktibong katuwang ng munisipyo sa pagpapatupad ng mga ordinansa at sa pagsasagawa ng Aksyon sa Kailogan, upang maiwasan ang tuluyang pagkasira ng kapaligiran.

Binigyang-diin pa ni Mayor Merrera na handa siyang gumawa ng mga desisyong maaaring hindi ikatuwa ng ilan, basta’t ang mga ito ay tama, makatarungan, at naaayon sa batas.

Patuloy namang hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang publiko na makiisa sa mga programang pangkalikasan upang mapanatili ang kalinisan at sigla ng mga ilog na mahalagang yaman ng bayan.

Facebook Comments