Hinimok ni Binmaley Mayor Pedro Merrera ang sinumang nasa likod ng pagpapakalat ng umano’y problema sa tambak ng basura sa ilang bahagi ng bayan na humarap nang personal upang malinawan ang isyu.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ng alkalde na patuloy ang koordinasyon ng munisipyo sa pamunuan ng 33 barangay upang matulungan ang mga ito sa paghahakot ng basura.
Ayon sa kaniya, hindi umano sapat ang mga ‘kulong-kulong’ upang makayanan ang dami ng basurang nakokolekta araw-araw mula sa mga kabahayan.
Dagdag pa rito, isa rin sa mga naging hamon ang pagkaantala sa pag-apruba ng pondo para sa gasolina ng mga sasakyang panghakot.
Gayunman, agad umanong umaksyon ang lokal na pamahalaan upang masagot ang kakulangan at maiwasan ang pagkaantala ng waste management operations sa bayan.
Nagbigay rin ng mensahe ang alkalde sa mga kritiko, na hinihikayat ang mga ito na alamin muna ang tunay na kalagayan at ang mga ginagawang hakbang ng pamahalaan upang maresolba ang problema, sa halip na magpalaganap ng isyu.










