Handa umanong mag-resign si Binmaley Mayor Pedro Pete Merrera sa pwesto kung mapapatunayan ni Vice Mayor Simplicio Rosario ang mga paratang nito na may iregularidad umanong ginagawa ang alkalde sa pondo ng Binmaley.
Ito ay matapos ipahayag ni Vice Mayor Rosario sa isang radio interview ang patungkol sa nagpapakalat umano ng alkalde ng impormasyon na mula sa personal na bulsa nito ang perang ginagastos sa kanyang mga programa tulad ng pagpapagawa ng mga uniporme na nakapaloob sa annual budget ng bayan.
Bagaman hindi na nagbigay ng iba pang detalye ang bise alkalde, nilinaw ni Mayor Merrera na mula sa budget ng munisipyo ang uniporme para sa mga mag-aaral habang mula naman sa kanya ang jersey ng mga manlalaro sa Inter-Barangay Basketball Tournament na isinagawa noong Nobyembre.
Kaugnay nito, bukas umano si Mayor Merrera sa isang debate kasama ang bise alkalde upang talakayin ang mga isyung ibinabato laban sa kanya. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨