BINUGBOG | DFA kinumpirmang namatay sa bugbog ang isang Pinay sa Sweden

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na namatay sa bugbog ang isang Filipina sa Kista, Stockholm Sweden noong nakaraang linggo.

Tadtad ng pasa ang buong katawan ng 28 taong gulang na Filipina na si Mailyn Conde Sinambong may asawa at dalawang anak.

Pinatay umano sa bugbog ang biktima batay sa mga markang nakita sa katawan nito.


Sa inisyal na impormasyon na nakalap ng Embahada ng Pilipinas sa Norway, suspect sa krimen ang asawa ni Mailyn, ang limampung taon gulang na Swedish actor-director na si Steve Abou Bakr Aalam.

Nakarating na sa Stockholm, Sweden si Consul General Ma. Elena Algabre mula Oslo, Norway upang tumulong sa pagsasaayos ng repatriation ng labi ni Mailyn.

Makikipagkita rin ang opisyal sa abogado na may hawak ng kaso.

Sa report hawak na ng mga otoridad ang asawa ni Mailyn at nakatakdang sampahan ng kasong murder.

Una nang tiniyak ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa pamilya at kamag-anak sa Pilipinas na tutulong ang kagawaran na maibalik ang labi ni Mailyn sa bansa at bigyan hustisya ang kanyang pagkamatay.

Facebook Comments