Manila, Philippines – Binuhay ng Korte Suprema ang voting powers nito sa bawat bakanteng posisyon sa Kataas taasang Hukuman.
Natigil ang Korte Suprema sa pagganap sa kapangyarihang ito nang maupo si Dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno bilang punong mahistrado at ex-officio chairperson ng Judicial and Bar Council (JBC).
Sa ilalim ng nasabing voting powers, pagbobotohan ng mga mahistrado ng Korte Suprema kung sino ang kanilang irerekumendang aplikante para sa bakanteng posisyon sa Kataas taasang Hukuman.
Ang resulta ng botohan ay bibigyan ng konsiderasyon ng JBC at karaniwan ding binibitbit ng punong mahistrado sa botohan ng kung sino ang dapat maisama sa short list.
Kaugnay naman ng mababakanteng pwesto sa Korte Suprema dahil sa pagreretiro ni Associate Justice Presbitero Velasco sa Agosto, apat na pangalan ang inirekumenda ng Korte Suprema.
Si Court of Appeals Justice Rosmari Carandang ay may 10 boto; Court Administrator Jose Midas Marquez ay walong boto; habang sina Court of Appeals Justices Jose Reyes at Ramon Garcia ay nakakuha naman ng tig-6 na boto.