Binuong board of inquiry ng AFP at PNP, hindi makakaapekto sa imbestigasyon ng NBI sa Jolo, Sulu shooting incident

Hindi makakaapekto ang binuong board of inquiry ng Armed Force of the Philippines at Philippine National Police sa isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation sa naganap na shooting incident sa Jolo, Sulu kung saan napatay ang apat na sundalo.

Ito ang pagtitiyak ni AFP Spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo sa interview ng RMN Manila.

Paglilinaw ni Arevalo, ang binuong inquiry ay nakatuon lang para mas mapabuti ang operational procedure ng militar at pulisya para maiwasan na ang katulad ng nangyaring insidente.


Kaninang umaga, pinuntahan ni AFP Inspector Major General Franco Nemecio Gacal at counter-part nito sa PNP ang crime scene upang umpisahan ang imbestigasyon sa insidente.

Kasabay nito, umaasa si Arevalo na hindi magkakaroon ng “rido” o gantihan ng pamilya sa incidente.

Aniya, determinado si AFP Chief of Staff Gen. Felimon Santos Jr. na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng apat na sundalo at tiniyak nito sa mga kaanak ng mga nasawi.

Una na kasing pinangangambahan na mauwi sa gantihan ng pamilya ang pagkakapatay ng mga sundalo lalo nat isa sa apat na nasawi ay isang muslim kung saan ang mga kapatid nito ay pawang mga sundalo rin.

Facebook Comments