Pinabibilisan ni Senator Sonny Angara ang pagsasagawa ng biosurveillance at genome sequencing para mapigil ang pagkalat ng COVID-19 variants tulad ng Delta variant na lubhang delikado at mas mabilis makahawa.
Nakakabahala para kay Angara na sa ngayon ay 750 samples lamang kada linggo ang kayang isailalim sa sequencing na wala pang isang porsyento ng recorded COVID-19 cases sa buong bansa.
Diin ni Angara, napakalayo nito sa ideal na limang porsyentong sequencing rate na itinakda mismo ng Philippine Genome Center.
Paliwanag ni Angara, dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 Delta variant ay napakahalaga ng genomic research upang malaman ang kakaibang katangian nito, paano ito mabilis na nakakahawa, paano gagamutin at higit sa lahat paano mapipigilang kumalat.
Dahil dito ay inihain din ni Angara ang Senate Resolution 759 na layuning mabusisi ang kasalukuyang estado ng COVID-19 biosurveillance and genome sequencing sa bansa.
Ayon kay Angara, ito ay para mapag-ibayo ang hakbang laban sa pagkalat ng virus at mapahusay ang pagtugon sa pandemya.