BIR circular na nag-oobliga sa mga online sellers na magparehistro at magbayad ng buwis, pinababawi ng isang kongresista

Pinababawi ni Gabriela Partylist Representative Arlene Brosas sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na ang inilabas na circular na umoobliga sa mga online sellers na magparehistro ng kanilang negosyo at magbayad ng buwis.

Giit ni Brosas, dagdag pasanin ito sa mga negosyante at indibidwal na nakadepende ang kabuhayan ngayon sa online selling dahil sa pagkawala ng trabaho at paghahanap ng ibang pagkakakitaan bunsod ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ng kongresista na sa panahon ngayon ng pandemya ay mas dapat pa ngang suportahan ng pamahalaan ang mga online seller bilang bahagi ng stimulus ng ekonomiya.


Sa halip na puntiryahin ang mga maliliit na negosyanteng gusto lamang makaraos sa gitna ng krisis, mas dapat na patawan ng buwis ang mga Philippine Offshore Gaming Operators POGOs at mayayamang korporasyon.

Tinawag ni Brosas na ironic ang hakbang ng gobyerno dahil itinutulak ang Corporate Recovery and Tax Incentives (CREATE) Bill na layong babaan ang bayarin sa corporate taxes at bigyan ng mas magandang insentibo ang mga malalaking kumpanya habang ang mga ordinaryong mamamayan ay pinipilit na magbayad ng dagdag na buwis.

Facebook Comments