
Nagbabalik umano ang paggamit ng mga negosyo ng ghost reciepts upang makaiwas sa pagbabayad ng tamang buwis.
Ito ang ibinabala ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr., kasunod ng paghahain ng kasong kriminal laban sa cosmetic company na Ever Bilena dahil sa sinasabing paggamit nito ng pekeng mga resibo upang mabawasan ang mga pananagutan nito sa buwis.
Sa isang post sa kanyang opisyal na Facebook page, kinumpirma ni Lumagui na nakakita ang Department of Justice (DOJ) ng probable cause at naka-file na ng mga kaso sa korte.
Nagbabala si Lumagui sa mga may-ari ng negosyo na huwag nang tangkain pang umiwas sa pagbabayad ng buwis dahil hindi mag-aatubili ang BIR, katuwang ang DOJ, na magsampa ng kasong kriminal at tax evasion laban sa mga gumagamit ng mga ghost receipt.
Sa ilalim ng section 255 ng 1997 National Internal Revenue Code, ang sinumang mapatunayang nagkasala ng tax evasion ay maaaring parusahan ng multa na hindi bababa sa ₱500,000 ngunit hindi hihigit sa ₱10 milyon.
Ang mga partido na nagkasala ay nahaharap din sa pagkabilanggo ng hindi bababa sa anim na taon ngunit hindi hihigit sa 10 taon.
Kapag ang nagkasala naman ay isang korporasyon, ang parusa ay ipinataw sa mga responsableng opisyal.









