Tuesday, February 10, 2026

BIR, nagsampa na ng kaso sa 25 tauhang nang-abuso sa pag-iisyu ng LOA

Tiniyak ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na mapapanagot sa batas at mapaparusahan ang mga BIR officials at personnel na mapapatunayang nang-abuso sa pag-iisyu ng Letter of Authority (LOA) na nagagamit umano sa pangingikil sa mga negosyante sa pagbabayad ng buwis.

Ayon kay BIR Chief Atty. Charlito Mendoza, sa 30 empleyado nila na kasalukuyang sumasailalim sa imbestigasyon, 25 na rito ang nasampahan ng kaso.

Siniguro ni Mendoza na ang mga tauhang hindi susunod sa bagong Revenue Memorandum Orders (RMOs) ay mananagot at posibleng makasuhan ng administrative, civil o criminal case.

Samantala, inilatag ni Mendoza ang probisyon ng mga repormang ipapatupad ng BIR para sa tax audit and assessment upang hindi na maulit ang pangaabuso ng ilang mga taga BIR sa LOA na kinatatakutan maging ng mga maliliit na negosyante.

Kabilang dito ang malinaw na paggamit at limitasyon ng tax verification notice at letter of authority kung saan malinaw nang nakalagay dito ang audit authority na saklaw at hangganan ng isang revenue officer.

Sakali namang wala sa audit instrument ang hinihingi ng isang BIR personnel, may karapatan ang taxpayer na tumanggi.

Bukod dito, gagawin na lamang single o iisa ang LOA sa bawat taxpayer para sa loob ng isang taon na sakop ang lahat ng uri ng buwis kasama ang VAT at sa ganitong paraan mas simple at mas maayos ang compliance ng taxpayer.

Dagdag dito, gagawin na ring automated ang pagpili ng auditees upang mawala ang “suki-system” at gagawing anonymous na rin ang identity ng taxpayer upang maiwasan ang harassment o undue influence ng BIR personnel .

Umaasa si Mendoza na ang mga repormang ito ang tatapos sa mga isyu ng katiwalian sa sistema ng pagiisyu ng LOA at magpapatino sa mga tauhan ng ahensya.

Facebook Comments