Naghain na ng kasong tax evasion ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa na-dismiss na alkalde ng Tarlac, Bamban na si Alice Guo.
Ito’y dahil sa umanoy hindi tamang pagbabayad ng tax ng dating alkalde.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., nag-ugat ang paghahain ng kaso nila sa Department of Justice (DOJ) matapos na lumabas sa pagdinig ng Senado na may iba pang mga ari-arian si Guo.
Dagdag pa ni Lumagui, hindi naideklara ni Guo ang mga natatanggap na pera at mga ari-arian na malinaw na paglabag sa tax code ng Pilipinas.
Bukod kay Guo, kasama rin sa sinampahan ng kaso si Jack Uy, Rachelle Carreon at Baofu Land Development Inc. na kumpaniyang may malaking share ang na-dismiss na alkalde.
Nabatid na inamin mismo ni Guo na ibinenta nito ang kaniyang shares kay Uy kung saan hindi siya nagbayad ng Capital Gains Tax at Documentary Stamp Tax.
Bagama’t nasa halos o higit ₱500,000 ang hindi nabayaran, iginiit ni Lumagui na kanila pang iniimbestigahan at pinag-aaralan kung ano pa ang dapat na panagutin ng na-dismiss na alkalde.