BIR, pinaparehistro na ang mga online seller

Inaatasan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga “online seller” at iba ang mga negosyong gumagamit ng digital at electronic platform na magparehistro.

Nabatid na tumaas ang online at digital transactions bunsod ng ipinatupad na lockdown bunga ng COVID-19 pandemic.

Batay sa Revenue Memorandum Circular No. 60-2020 na may petsang June 1, nakasaad na ang lahat ng indibidwal na mayroong negosyo at kumikita sa pamamagitan ng digital transactions ay kailangang magparehistro alinsunod sa probisyon ng Section 236 ng Tax Code.


Kinakailangan ding ideklara ng mga Online Seller ang kanilang mga nakaraang transaksyon, paraan ng pagbabayad, pagde-deliver ng produkto, internet service providers, at iba pang facilitator.

Ayon sa BIR, ang mga magpaparehistro bago o pagsapit ng July 31, 2020 ay hindi papatawan ng penalty para sa late registration.

Ang mga idedeklarang nakalipas na transaksyon pagsapit o bago ang July 31 ay papatawan ng kaukulang buwis pero walang penalty.

Papatawan ng penalty ang sinumang hindi tutugon sa direktiba ng BIR.

Facebook Comments