
Nagsampa ng reklamong tax evasion ang Bureau of Internal Revenue o BIR laban sa 75 indibidwal at negosyo na sangkot sa ilegal na bentahan ng vape products.
Umaabot sa P711.13 milyon ang kabuuang tax liability ng mga nahuling nagbebenta ng hindi rehistrado at smuggled na vape.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., ito ay bahagi ng malawakang operasyon sa buong bansa laban sa mga lumalabag sa Tax Code.
Kabilang sa mga kasong isinampa ang willful failure to pay tax, unlawful possession ng pekeng BIR receipts, at paglabag sa Excise Tax Law.
Binalaan ni Commissioner Lumagui ang publiko laban sa pagbili at paggamit ng mga ilegal na vape products, dahil hindi lang ito banta sa kalusugan kundi nagdudulot din ng malaking pagkalugi sa buwis ng pamahalaan.
Muling paalaala ng opisyal, mahigpit na ipinagbabawal ang illegal vape maging ang ghost receipts at lahat ng sangkot ay hahabulin at papanagutin ng BIR.









