Hiling ni Vice President Leni Robredo sa kanyang ika-57 kaarawan na huwag mapagod ang kanyang mga tagasuporta sa paglaban sa fake news habang papalapit ang araw ng halalan.
Ginawa ng presidential candidate ang panawagan kasabay ng pakikiisa niya sa libu-libong mga tagasuporta niya sa campaign rally sa Pasay City kahapon, ilang oras matapos siyang i-endorso ng United Bangsamoro Justice Party, na konektado sa Moro Islamic Liberation Front.
“Kaya ang pakiusap ko sa inyo 14 days na lang natitira para tayo magkampanya. Marami na po tayo nasabi pero dahil laban po natin ito para sa ating mga kababayan kailangan buksan natin yung ating mga puso. Huwag tayo mapanghusga, respetuhin natin yung iba ang paniniwala, pero huwag din tayong mapagod sa paglaban sa fake news,” ani Robredo sa kanyang talumpati.
Aminado si Robredo na nabigo siya na hawakan nang maayos ang mga fake news na ibinabato sa kanya sa loob ng anim na taon niyang pagiging pangalawang pangulo ng bansa.
Binanggit niya rito ang ulat kamakailan na nagsilbi umano niyang adviser at ng kanyang kampanya si Communist Party of the Philippines founding chairman Jose Maria Sison na kanyang naming itinanggi.
“Noong nakaraang six years napakaraming fake news ang sinasabi sa akin, pero hindi ko masyadong pinapansin kasi sabi ko istorbo lang. Pero mali pala ako. Kailangan pag fake news sinasabi agad natin na kasinungalingan yan at yung kasinungalingan palitan natin ng katotohanan,” saad niya.
Dagdag ni Robredo, kawawa ang bansa kung kasinungalingan ang magpapanalo sa mga kandidato sa eleksyon.
Dahil dito, hinimok niya ang kanyang mga taga-suporta na sabay-sabay labanan ang kasinungalingan at huwag mapagod na magbahay-bahay upang maipaliwanag sa publiko ang katotohanan.
“Bakit hinihikayat kayo maghouse-to-house, dahil tingin po natin ito ang pinaka-epektibo na babasag sa mga kasinungalingan dahil tao sa tao, puso sa puso ang pag-uusap.”
Samantala, tinatayang umabot sa 412,000 ang mga dumalo sa campaign rally ni Robredo sa Pasay City.
Kahapon din nang magsagawa ng campaign rally ang mga katunggali ni Robredo na si Senator Manny Pacquiao sa San Juan City at si dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Maynila.