Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng pagmamaneho ng delivery rider na may angkas na pinaniniwalaang bata ngunit nasa loob ng insulated bag na nagsisilbing delivery box.
Kasabay nito, nagpalabas na rin ng show cause order ang LTO-Intelligence and Investigation Division (IID) upang paharapin ang rider hinggil sa insidente sa darating na Marso 6, Lunes, alas-2:00 ng hapon.
Ayon kay LTO-IID Officer-in-Charge (OIC) Renan Melitante, pagpapaliwanagin nila ang rider kung bakit hindi siya dapat managot sa mga kasong administratibo.
Inatasan din siya na dalhin ang kanyang motorsiklo sa LTO para sumalang sa inspeksyon ng Motor Vehicle Inspection Center (MVIC).
Nakaalarma na ang motorsiklo ng rider upang hindi muna ito magamit sa anumang transaksyon.
Ang hindi pagsipot sa imbestigasyon ng nasabing drayber ay nangangahulugan ng pagsuko ng karapatan nito upang marinig ang kaniyang panig bukod pa sa posibleng kaharaping parusa sa ilalim ng batas.