Pinalawig ng Land Transportation Office (LTO) ang bisa ng driver’s license na mapapaso o ma-e-expire simula Abril 24.
Nilagdaan ngayong araw ni LTO Chief Jay Art Tugade ang Memorandum Circular na nagpapalawig ng validity ng lisensya sa pagmamaneho hanggang October 31, 2023 sa sandaling matapos na ang procurement o ang proseso ng pagbili ng license cards na pinangangasiwaan ng Department of Transportation (DOTr).
Maliban dito, maituturing na waived o hindi na sisingilin ang multa sa late renewal.
Ang hakbang ay ginawa ng LTO sa harap na rin ng nararanasang kakulangan ng suplay ng license cards sa lahat ng tanggapan ng ahensya sa bansa.
Kasabay nito, sinabi ni LTO Chief Tugade na umaasa ang ahensya na agad nang matatapos ng DOTr ang proseso ng procurement o pagbili ng license cards upang mapasimulan ang pag-iimprenta at maibigay na sa mga drayber na naghihintay na makahawak ng plastic card na driver’s license.
Inaabisuhan naman ang lahat ng law enforcers ng LTO at deputized agents nito na kilalanin ang validity o bisa ng driver’s license na napaso simula sa Abril 24, 2023.