Iniutos na ni Land Transportation Office (LTO) Chief Jay Art Tugade ang pagpapatupad ng tatlong taong bisa o validity ng rehistro ng lahat ng mga bagong motorsiklo sa bansa.
Batay sa kasalukuyang panuntunan na alinsunod sa Republic Act 4136 at Republic Act 11032, ang mga motorsiklong may makina o engine displacement na 201cc pataas lamang ang mayroong tatlong taong bisa ng initial registration sa LTO.
Gayunman, kasunod ng ginawang pag-aaral ng ahensya ay nagdesisyon si LTO Chief Tugade na gawin na ring tatlong taong bisa ng rehistro kahit sa mga motorsiklong may makina na 200cc pababa.
Bahagi pa rin ito ng mga hakbang ng LTO na layong maging mabilis ang mga proseso at mapagaan ang mga transaksyon ng publiko sa ahensya.
Kung pagbabatayan ang mga nakalipas na datos ng LTO, tinatayang dalawang milyon na bagong magpaparehistro ng motorsiklo na 200cc pababa ang makikinabang sa bagong polisiya na ito ngayong taon.
Alinsunod na rin sa umiiral nang panuntunan para sa pagrehistro ng iba pang mga sasakyan, matapos ang tatlong taong bisa ng initial registration ay magiging kada taon na rin ang pagpaparehistro ng mga motorsiklong may makinang 200cc pababa.