Manila, Philippines – Aminado si Caloocan Bishop Pablo Virgilio David na ikinalulungkot niya ang bantang makasuhan ng ” Obstruction of Justice” dahil sa pagkubkob sa menor de edad na testigo sa pagpatay sa 17 anyos na si Kian Lloyd delos Santos.
Naninindigan ang Obispo na wala siyang ginagawang masama at sa halip ay tumugon lamang sa hiling ng testigo ay kaniyang pamilya na matulungan dahil sa takot sa kanilang kaligtasan.
Giit ni David, incoming CBCP Vice President, wala siyang alam na nilabag na batas nang dahil lamang sa pagtulong sa nangangailangan ng saklolo.
Dagdag pa ni Bishop David na nakahanda naman silang ilantad ang testigo sa oras na ipatawag na sila ng mga imbestigador para sa pagdinig.
Una nang nagbanta si Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa Obispo sa posibilidad na masampahan ng kasong Kriminal dahil sa pag-kostudiya sa pangunahing testigo sa pagpatay kay delos Santos.