Bisita, Binaril ng Isang Lalaki-Huli sa Roxas, Isabela

Cauayan City, Isabela- Dinakip ng mga otoridad ang isang lalaki nang aksidente nitong mabaril ang bisita sa brgy. Bantug, Roxas, Isabela.

Nakilala ang suspek na si Anacleto Gonzaga, 58 taong gulang, residente ng Sitio Calaocan sa nasabing bayan samantalang ang biktima ay nakilalang si Alma Dawag, 23 anyos at residente naman ng Anonat, Paracelis, Mt. Province.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, binisita umano ng mga pamangkin ng suspek na sina Edmar Cabacungan at Edcel Cabacungan ang tiyuhin ng mga ito kasama ang biktima sa barangay Bantug.


Nagkaroon ng inuman ang tatlo nang ipakita ng suspek ang dala nitong isang pistol na S&W 357 Magnum.

Sinabi pa umano ng suspek na walang bala ang hawak na baril at kalauna’y kinalabit umano nito ang gatilyo na noo’y nakatutok sa biktima.

Nabaril sa kanang binti ang biktima na agad namang dinala sa pagamutan.



Sa pagresponde naman ng kapulisan, inaresto ang suspek at nakumpiska sa kanyang pag-iingat ang dalawang (2) piraso ng bala ng nasabing kalibre ng baril, dalawang bala ng caliber 38 at isang basyo ng bala ng Magnum 357.

Base sa sertipikasyon na isinumite ng Regional Civil Security Unit, hindi umano rehistrado ang nasabing baril.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Roxas Police Station si Gonzaga habang nasa maayos na ang kalagayan ng nabaril na biktima.

Nakahanda naman ang mga kasong Frustrated Homicide at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na isasampa laban sa suspek.

Facebook Comments