Manila, Philippines – Inilatag sa Department of Justice (DOJ) ni Presidential Anti-Corruption Commission o PACC Commissioner Greco Belgica ang mga ebidensyang magdidiin kina dating Pangulong Benigno Noynoy Aquino, mga dating opisyal nito at ilang aktibong senador na sinasabing nakinabang sa maanomalyang Disbursement Acceleration Program (DAP).
Kabilang dito ang sinasabing kickback sa mga programa ng gobyerno.
Ayon kay Belgica, nangyari ang DAP magic sa loob lamang ng isang araw noong October 12, 2011 kung saan nagsabwatan aniya sina dating Pangulong Aquino, dating Budget Secretary Butch Abad, Senator Franklin Drilon, Senator Kiko Pangilinan, Senator Edgardo Angara, Senator Antonio Trillanes, dating Secretary Mar Roxas, dating Transportation Secretary Jun Abaya at iba pa.
Binigyang diin ni Belgica na makikita ang ebidensiya na mahigit sa P1-billion ang DAP ng apat na senador sa pamamagitan ng Senate Transcript of Record sa mga nakaraang senate hearing gayundin sa official press releases ng Department of Budget and Management.
Sinabi pa ni Belgica na nagkaroon ng tangkang pagtatakip ng grupo ni PNoy sa anomalya sa pamamagitan ng imbestigasyon ng Senado kay Special Assistant to the President Secretary Bong Go na malinaw na character assassination laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
May hinala rin si Belgica na bahagi ng sabwatan nina PNoy si Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
Inupakan din ni Belgica ang mga kapalpakan sa Mamasapano encounter na ikinamatay ng SAF 44 at ang pagkakalagay sa panganib sa buhay ng maraming mga bata dahil sa Anti-Dengue Vaccine Program gayundin ang anomalya sa Senior Citizens Funds at Yolanda Victims Funds.