Biyahe ng FDA officials sa Russia para sana sa pag-inspeksyon ng bakuna, hindi matutuloy

Kinumpirma ng Food and Drug Administration na kinansela na muna nito ang pagbyahe sa Russia para magsagawa sana ng inspeksyon sa bakuna kontra COVID-19.

Ito’y matapos makapagsumite na ang Gamaleya Institute ng dokumentong kinakailangan para sa aplikasyon ng Emergency Use Authorization ng bakunang Sputnik V.

Ayon kay FDA Chief Usec. Eric Domingo, isang team sana ang babyahe sa manufacturing plant ng Gamaleya pero hindi na nila ito itutuloy.


Anya , noong nakalipas na Biyernes, nakapagsumite na ng mga kinakailangang dokumento ang Gamaleya at ngayon ay kanila na itong nire-review.

Noong Enero, naghain ng kanilang EUA application ang Gamaleya matapos bawiin nito, o i-withdraw ang kanilang intensyong makapagsagawa ng clinical trial sa bansa.

Nabanggit na rin ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. na aabot sa 5 hanggang 10 milyong Sputnik V doses ang kanilang kukunin sa oras lamang na makakuha na ito ng EUA.

Sa ngayon, ang naaprubahan pa lang ng FDA para sa kanilang EUA application ay ang Pfizer-BioNTech, AstraZeneca, at Sinovac vaccines.

Facebook Comments