Biyahe ng ilang commercial flights sa Northern Luzon, nananatiling kanselado matapos ang pananalasa ng Bagyong Marce

Kinumpirma ng Civil Aviation of the Philippines (CAAP) na kanselado pa rin ang maraming flights sa Northern Luzon matapos ang paghagupit ng Bagyong Marce.

Kabilang sa kanselado ang flights ng Philippine Airlines sa Basco, Batanes.

Kasama sa kanselado ang flights ng PAL mula Manila patungo ng Basco, gayundin ang kanilang flight mula Basco patungo ng Clark.


Mahigit 200 namang mga pasahero ang apektado ng flight cancellations.

Kinumpirma rin ng CAAP na kanselado rin ang flights ngayong araw sa Laoag International Airport matapos na magkaroon ng ilang pinsala sa paliparan.

Kabilang dito ang nabasag na glass panels sa terminal building ng airport, bukod pa sa mga bumagsak na puno at nasirang gutters.

Tiniyak naman ng CAAP na walang airport personnel sa Laoag ang nasaktan.

Nananatili namang suspendido ang operasyon sa Lingayen Airport, Vigan Airport, San Fernando Airport, Rosales Airport at Baguio Airport.

Ito ay bagama’t wala namang naitalang pinsala sa naturang mga paliparan.

Sa kabilang dako, balik na sa normal ang operasyon sa Cauayan City at tuloy na ang paglapag ng commercial flights

Facebook Comments