
Sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan, maluwag at naayos ang sitwasyon ng mga biyahe sa Manila Northport Passenger Terminal.
Ito ay dahil sa iisa na lamang ang natitirang barko na maglalayag mamayang tanghali.
Ilan sa mga pasahero ng MV Maligaya na patungong Bacolod, Iloilo at Cagayan de Oro ay isa-isa na ring pinapapasok sa terminal.
Sa kabuuan, may 773 pasahero ang nagpa-booking ng biyahe habang ang MV Masigla na patungong Cebu at Tagbilaran na may sakay na 816 na pasahero ay una nang bumiyahe kaninang alas-5:16 ng umaga.
Bago maglayag ang MV Maligaya, nagbaba muna ito ng 211 na pasahero mula Iloilo at Bacolod kung saan wala namang nagiging problema ang mga biyahe.
Kaugnay nito, mahigpit na seguridad ang ipinatutupad pa rin ng mga bantay sa pantalan habang may mga first aid din na nakaantabay para tumugon sa mga nangangailangan ng serbisyong pangkalusugan.