Kakaunti at halos hindi mapuno ng mga pasahero ang mga biyahe ng ilang provincial bus sa lungsod ng Maynila.
Mula pa kahapon hanggang ngayong umaga, matumal pa rin ang bilang ng mga pasahero na nagtutungo sa mga bus terminal sa kahabaan ng Rizal Avenue malapit sa Doroteo Jose.
Ilan sa mga biyahe rito ay mga patungong North at Central Luzon partikular sa Baguio, Bataan, Tarlac, Pangasinan, Pampanga at Cabanatuan.
Bagama’t matumal pa rin ngayong Martes Santo, inaasahan ng mga pamunuan ng mga kompaniya ng bus na dadagsa ang mga pasahero mula mamayang hapon hanggang Miyerkules ng gabi.
Kaugnay nito, sinisiguro ng mga kompaniya ng bus na sapat ang kanilang mga unit na babiyahe hanggang sa darating na Linggo ng pagkabuhay.
Ang mga balak naman na magpa-reserve ay pinapayuhan ng magtungo ng mas maaga sa oras ng kanilang biyahe upang hindi magkaroon ng abala.