Biyahe ng mga eroplano mula UK, pansamantalang sinuspinde sa gitna ng banta ng bagong Coronavirus strain

Photo Courtesy: AFP via Getty Images

Pansamantalang sinuspinde ni Pangulong Rodrigo Duterte ang biyahe ng mga eroplano mula United Kingdom papunta sa Pilipinas.

Ito ay sa gitna ng banta ng bagong strain ng COVID-19 na kumakalat ngayon sa Britain.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kagabi inaprubahan ng Pangulo ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na ipagbawal muna ang inbound travel mula UK.


Magsisimula ang flight suspension bukas, December 24 hanggang December 31, 2020.

Pero nilinaw ni Roque na hindi sakop ng travel ban ang mga pasaherong nasa transit na at darating sa Pilipinas bago mag-alas 12:01 ng madaling araw ng December 24.

Gayunman, kailangan nilang sumailalim sa 14-day quarantine period at testing protocols sa New Clark City sa Pampanga kahit na nag-negatibo sila sa RT PCR test.

Samantala, kinumpirma rin ng Department of Health (DOH) ang pag-apruba ni Pangulong Duterte sa resolusyon ng IATF.

Sa statement, sinabi ng DOH na layon maawat ang pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa ngayong holiday season.

Facebook Comments