Pinatitiyak ni Senator Joel Villanueva sa pamahalaan na hindi maapektuhan ang pagbiyahe ng mga manggagawa sa ilalim ng pinahigpit na implementasyon ng General Community Quarantine (GCQ) sa
Metro Manila at mga karatig lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Paliwanag ni Villanueva, sa transportasyon nakaasa ang mga manggagawa upang makapasok sa kani-kanilang mga trabaho kaya dapat masigurado na hindi sila maaantala.
Kasabay nito ay hinikayat ni Villanueva ang mga opisina na magpatupad ng work-from-home arrangement at siguraduhin ang kanilang pagtalima sa mga occupational safety and health standards alinsunod sa mga panuntunan ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Sabi naman ni Senator Sonny Angara, walang choice ang gobyerno kundi umaksyon para mapigilan ang mabilis na namang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
Katwiran ni Angara, kailangang higpitan ang community quarantine dahil nasa walong libo na ang nahahawaan ng COVID-19 kada araw at halos napupuno na ang COVID wings ng mga ospital.
Komento naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, sana ay mas maagang inianunsyo ang pagsasailalim ng Metro Manila at karatig lalawigan sa GCQ bubble para nagkaroon pa ng pagkakataon o panahon ang mga negosyo na mai-adjust ang kanilang nakaplano ng mga aktibidad.
Diin ni Lacson, ang pagpapatupad ng mas mahigpit na community quarantine ay dapat sa mga specific na lugar, may itinakdang panahon at alinsunod sa nagbabagong kondisyon sa isang lugar.
Giit ng senador, kailangan din ang patuloy na assessment sa sitwasyon at kondisyon ng COVID-19 cases sa iba’t ibang lugar na siyang pagbabatayan ng gagawing adjustment.