Biyahe ng mga UV express, aarangkada na sa Lunes; ruta ng mga tradisyunal na jeep, inilalatag na rin ayon sa LTFRB

Inaasahang ilalabas ngayong weekend ang listahan ng mga ruta ng traditional Public Utility Jeepneys (PUJs) bago ang pagsisimula ng kanilang operasyon sa National Capital Region (NCR) sa susunod na linggo.

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Martin Delgra III, isinasapinal na ang mga ruta ng tradisyunal na jeep sa Metro Manila para sila ay muling makapamasada matapos ang tatlong buwang suspensyon bunsod ng COVID-19 pandemic.

Nasa tatlumpu (30) ruta na ang binuksan para sa mga UV Express simula sa Lunes, June 29, 2020.


Mayroong tatlumpu’t dalawang (32) na ruta naman ang mga modern jeepney na bumibiyahe na sa Greater Manila Area bilang karagdagang option sa pampublikong transportasyon.

Iginiit ni Delgra na kailangang sundin ang inilatag na hierarchy ng Department of Transportation (DOTr) sa unti-unting pagbabalik ng transportasyon.

Aniya, ipinaprayoridad nila ang mga public transport na may mataas na passenger capacity kung saan una ang mga bus, modern jeepneys, UV Express at susundan ng traditional jeep.

Facebook Comments