Biyahe ni PBBM sa Saudi, tiyak pakikinabangan ng mamamayang Pilipino

Ipinagmalaki ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na naging matagumpay ang biyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Saudi Arabia at pagdalo sa 2023 ASEAN-Gulf Cooperation Council Summit.

Pangunahing ibinida ni Romualdez ang US$4.26 bilyon na halaga ng pamumuhunan na inaasahang pakikinabangan ng tinatayang 300,000 manggagawang Pilipino gayundin ang interes ng mga dayuhang negosyante na mamuhunan sa Maharlika Investment Fund.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang mga nakamit ng bansa sa pagbisita ni Pangulong Marcos sa Saudi ay patunay ng lumalaking kumpiyansa sa Pilipinas bilang pangunahing destinasyon ng dayuhang pamumuhunan bunsod ng positibong klima sa ekonomiya at liderato ng bansa.


Binanggit ni Romualdez na sa summit ay humiling din si PBBM sa mga miyembro ng GCG ng tulong para sa mga bansa sa Southeast Asia upang matiyak na mayroong sapat na suplay ng produktong petrolyo at fertilizer ang mga ito habang bumabangon mula sa epekto ng Coronavirus pandemic at sa gitna rin ng mga kaguluhan sa iba’t ibang panig ng mundo.

Dagdag pa ni Romualdez, nagpulong sina Pangulong Marcos at Kuwaiti Crown Prince na tiyak makatutulong sa pagpapalakas ng relasyon ng dalawang bansa.

Facebook Comments