Binigyan-diin ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na ang paglahok ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., sa 10th Asian Summit sa Singapore ay isang malaking hakbang para sa mas maayos na kinabukasan ng Pilipinas.
Ayon kay Romualdez, pagpapahiwatig ito ng matibay na pangako ni Pangulong Marcos na maiangat ang bansa bilang isang pangunahing destinasyon ng pamumuhunan, partikular sa umuusbong na sektor ng renewable energy.
Iginiit ni Speaker Romualdez na ang biyahe ng pangulo sa Singapore ay hindi lamang para sa diplomasya kundi isang patunay na pagnanais ng gobyerno ng Pilipinas na maging maayos ang hinaharap ng bawat Pilipino.
Binanggit ni Romualdez na sa naturang biyahe, ay ibinida ni Pangulong Marcos ang mga katangian ng bansa upang maengganyo ang mga negosyanteng Singaporean na mamuhunan sa Pilipinas.
Dagdag pa ni Romualdez, ipinagmalaki din ng pangulo ang malaking consumer base ng bansa na umaabot sa 110 milyon, gayundin ang Maharlika Investment Fund at ang mga repormang ginawa upang mas maraming makapagnegosyo sa sektor ng public service, retail, at renewable energy.