Biyaheng Cagayan at Isabela, fully-booked sa 5 Star Bus Terminal sa EDSA, Cubao

Isang araw bago ang Undas, fully-booked na ang malalayong biyahe sa halos lahat ng mga bus terminal dito sa kahabaan ng EDSA, Cubao partikular na sa 5 Star Bus Terminal.

Ayon kay Five Star Bus Terminal Terminal Master Reyla Javier, fully-booked na ang biyaheng Cagayan at Isabela.

Gayunpaman, mayroon namang mga extra trip na ide-dispatch para i-accommodate ang mga pasahero na papunta sa nabanggit na mga lalawigan.


Paliwanag pa ni Javier, may mga bus unit silang nakahanda para sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero kung saan ganito rin ang sitwasyon sa iba pang mga bus station gaya ng Victory Liner.

Sabi ng dispatcher na si Jayron Sison, fully-booked na ang lahat ng mga panghapon na biyahe mula ngayong araw hanggang bukas ng umaga mismong araw ng Undas.

Hindi dapat ipag-alala ito ng mga bibiyahe dahil mayroong extra trip na nakahanda para sa malaking bilang ng mga pasahero dadagsa sa nasabing bus terminal.

Dagdag pa ni Sison na sa mga iba pang biyahe ay kayang-kaya nilang i-cater lalo na ang mga biyahe na patungo ng Central Luzon hanggang Pangasinan.

Kapansin-pansin ang bilang ng QC Police District na naka-deploy sa bawat mga istasyon ng bus at nakalatag ang mga Police Assistance Desk sa mga bus terminal.

Mamayang hapon naman ay pangungunahan ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Rommel Marbil at QCPD District Director PCol. Melecio Buslig Jr. ang inspection sa mga terminal ng bus dito sa QC para tiyakin sa publiko na handa ang pulisya na bantayan at gawin ligtas ang biyahe at ligtas ang publiko ngayong holiday season.

Facebook Comments