Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay POSD Chief Ret. Col. Pilarito Mallillin, nakaantabay na ang kanilang pwersa alas-tres palang ng madaling araw sa SM Terminal upang masigurong ligtas ang lahat sa banta ng COVID-19 at matiyak na nasusunod ang health protocols.
Dagdag niya, kanilang susuriin ang passengers manifesto kung tugma ito sa inisyung bus ticket.
Habang mahigpit din aniyang ipinagbabawal ang magbaba ng pasahero kung saan-saan upang makatiyak na maiwasang makapasok ang pinangangambahang omicron variant sa lungsod.
Kaugnay nito, nasa 70% capacity ang magiging pasahero sa mga bibiyaheng bus na nakapaloob sa umiiral na panuntunan ng LTFRB.
Para sa mga nagbabalak na bumiyahe, kailangan lang aniya na dalhin ang vaccination card ng fully vaccinated na pasahero at wala namang itinaktakdang age restriction o requirement sa mga ito.
Samantala, nagpaalala naman ang opisyal sa publiko na tangkilikin lamang ang mga legal na bumabyaheng sasakyan na may pahintulot ng LTFRB region 2.