Sa kabila ng unos at mga hamon sa buhay, may mga biyaya pa ring patuloy na nagpapasaya at nagpapa-alala sa atin na magpatuloy at maging matatag sa buhay.
Simbolo ng pag-asa ang pagsilang kay Baby Kyla Mae – ang babaeng sanggol na iniluwal ni Monica Garcia sa barangay Longos, Calasiao pasado alas-onse ng gabi noong Hunyo 22 (2025) habang bumubuhos ang ulan dulot ng Habagat.
Sa hamon ng halos hanggang dibdib na lalim ng baha at dilim ng paligid, hindi nagdalawang isip ang barangay council upang makita ang kalagayan ng mag ina.
Sa panayam ng iFM Dagupan kay Longos SK Federation President at Sk Chairman Narayana Rsi Das Mesina, mag-isang iniluwal ni Monica ang anak subalit hindi pa natatanggal ang pusod nito dahil walang kaalaman sa pagpapaanak ang pamilya.
Kaya naman agad na sinundo ni Punong Barangay Joseph Uson ang isang midwife na siyang umalalay sa mag-ina at sinigurong ligtas at maayos ang kanilang kalagayan.
Sa ngayon ay maayos na ang kundisyon ni Monica at ni Baby Kyla Mae na siyang naging inspirasyon ng mga taong kahit sa gitna ng unos at peligro, nangingibabaw pa rin ang malasakit para sa iba. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









